Abakada Sabado – Ba

Ilang araw na ang lumipas, meron akong nadaanan na poster sa kalye. Ang sabi

“Babae, tagumpay ng bayan.”

Bigla ko tuloy naalala yung blog na nabasa ko pero nakalimutan ko na kung anong title, sorry. Ayon sa may-akda sa mga bansang arabyano daw, kailangan munang maikasal ang isang babae sa isang lalaki bago siya makaramdam ng pagmamahal dito. Uso kasi sa kanila yung arranged marriage. Itinuturing nilang imoral kapag ang isang dalaga ay nagkagusto sa isang lalaki pero hindi naman siya kasal dito. Naisip ko tuloy parang ang weird naman ang kultura nila. Hindi naman sa naiinis ako sa kaugalian nila, pero parang ganun na nga. Kung ako kasi ang tatanungin ninyo, dapat ipakagat sa mga pulang langgam kung sino man ang may pakana ng ideya na yan!

Hayaan ninyong ibahagi ko ang mga kaganapan sa bahay namin dalawang linggo na ang nakararaan. Maraming bisita, may handaan, may sayawan, ewan kung bakit. Birthday yata ng kaibigan ng nanay ko at nag-suggest na sa bahay namin idaos ang kasayahan. Ayos lang sana kasi minsan lang naman. Ang problema, nainis ako sa isa sa mga kaibigan ng nanay ko. Sabi ba naman:

“Dalaga pa pala ang anak mo? Pag-asawahin natin sila ng anak ko! Binata pa yun!”

Marami pa siyang sinabi pero hindi na ako nakinig. Ang totoo, pangalawa na siya sa nag-suggest ng ganyan sa nanay ko. Mali ba na mainis ako? Okay, kahit ano pa sabihin ninyo, basta inis ako. Bakit, ano ba ang palagay niya sa pag-aasawa? Ganun lang kasimple? Tapos sasabihin niya sa nanay ko walang trabaho ang anak niya?! Hindi naman sa nanlalait ako pero parang ganun na nga, ayoko sa walang trabaho. Sorry. At hindi lang yun, hindi ako pabor sa arranged marriages. Kahit tumanda pa akong dalaga, huwag naman sana. Alam mo ba kung ano ang sagot ng nanay ko?

“Kung saan masaya ang anak ko, walang problema sa akin”

 

Kaya para sa post ko ngayon na dapat nung nakaraang nakaraang sabado ko pa sinulat, BA. Ipinagmamalaki ko na babae po ako kahit 32 Cup A lang ang beauty ko :) Nirerespeto ng pamilya kung ano man ang desisyon ko, sinusuportahan sa mga ambisyon at pangarap, at may karapatang pumili ng gustong makasama sa buhay. At higit pa sa mga yan, may trabaho at hindi aasa sa iba para mabuhay.

 

Laptop, mga pangarap, atbp.

Nakakaaliw pala talaga magkaroon ng sariling laptop. Marami akong natututunan. Dati hindi ko alam kung anong yung operating system. Hindi ko nga alam na Windows XP pala yung ginagamit namin sa trabaho. Ngayon ako pa mismo ang nag-install ng Windows 7 Ultimate sa laptop ko. Kaso lang hindi ako sure kung compatible kasi masyadong advanced na pala yung version na ito ng Windows. Pero so far, wala namang problema, gusto ko pa nga palitan ulit ng Linux. Ang arte! Hindi huwag na lang siguro, baka masira ko pa ito, sayang bagong-bago pa naman.

Dati ginagabi ako ng uwi nung nagre-rent pa lang ako. Hindi lang basta gabi, umaga na! Alam ko naman na delikado pero malakas talaga loob ko eh. O sabihin na nating gaga talaga ako. Tsaka sayang naman 15 pesos per hour lang kapag gabi. Pinapagalitan nga ako ng nanay ko. Sabi pa ng kapatid ko, meron daw na-rape na dalagita dun sa may tulay, kung saan ako dumadaan pauwi. Tinapon lang daw yung katawan sa ilog. Kaya tigilan ko na daw yung bisyo ko kung ayaw kong mangyari sa’kin yun. Naisip ko, kawawa naman yung dalagita :( Demonyo yata yung gumawa nun hindi tao.

Mga dalawang beses kasi na umuwi ako ng alas-tres ng madaling araw. Sinisingil ako ng mahal ng tricycle driver kaya sabi ko huwag na nga maglalakad na lang ako. Nagtyaga nga ako mag-internet ng gabi para ma-avail ko yung 15 per hour tapos sisingilin nya ako ng 70. Eh di ganun din yun, hindi pa din ako nakatipid! Medyo malapit lang naman kaso madilim at nakakatakot talaga dun sa may tulay. Takot ako sa mga mumu pero sa mga ganitong pagkakataon, mas nakakatakot ang buhay.

Meron akong nakitang mama na sinusundan ako ng tingin. Siguro mga mahigit kwarenta na siya. Imagine, isang mid-twenties na dalaga naglalakad sa kalye, ala-tres na madaling araw, walang kasama, walang kalaban-laban. Ayokong isipin ang mga pwedeng mangyari, lalo na at sa Tondo kami nakatira. Delikado. Pero hindi talaga ako prone sa mga masasamang tao kahit kailan eh. Wala naman siyang ginawa sa akin, tiningnan lang talaga ako. Kaya thank you talaga kay Lord!

Tapos ngayong hindi ko na kailangan mag-rent, sobrang tamad ko naman. Dati ang sipag kong pumunta sa computer shop pero ngayon magpapa-load lang ng broadband ang tamad ko pa. Tsaka nanghihinayang din ako. Ten pesos per half an hour, parang nag-rent din! Ang mahal di ba? Kung nag-post paid na lang ako 999 a month unlimited na. Ang tanga ko talaga. Sana plan na lang kinuha ako. Pero di bale, at least may laptop na ako. Malaking bagay na din ito kasi hindi ko na kailangan magpagabi sa daan :)

Sabay nga kami kumuha ng officemate ko ng laptop. Dell Inspiron sa kanya, sa akin naman HP Compaq. Mas mahal ng 3k yung pinili ko pero sabi nya mas magandang brand daw ang Dell. Matibay daw kasi ang Dell. Ganun pala yun? Ang habol ko lang naman kasi yung 500 GB hard disk. Yun lang. Pero yung graphics nito, wala, mababa. Sabi ko nga sa kaibigan ko, yes! pwede akong maglagay ng maraming games dito tulad ng Resident Evil 5, Ironman 2, Plants vs. Zombies, etc. Pinagtawanan pa tuloy ako. Hindi daw pasado yung laptop ko sa minimum system requirements. Hay! Disappointed tuloy yung kapatid ko, mahilig kasi sya sa games. Promise ko na lang, bibili kami desktop.

Kulay purple nga pala yung sa officemate ko, sa akin kasi black lang. Ang cute ng purple! Pero ok na ako sa black. Kapag nagkapera ako ng madami bibili ako ng HP Pavillion na bulaklakin. Gusto ko talaga malaking HD, yun kasi 1TB! 8GB DDR3 pa kaya madami talaga akong pwedeng i-install. Ayoko ng MacBook, ang panget … Joke! Gusto ko din yun! Pero tsaka na lang kapag meron na akong sariling bahay at lupa. Ang weird naman kung meron akong mac tapos ang inuuwian ko iskwater haha! Gusto ko nga bahay muna bago laptop pero magandang investment din ito. Pwedeng kumita sa blogging. Hindi naman sa magaling akong mag-blog, kumbaga eh, may talent! Nyahahaha!

Sana talaga kumita din ako sa mga blogs ko kasi pinagpaguran ko din isulat yung mga post kahit walang sense. Kumita din naman ako small time lang pero ang gusto ko kasi syempre big time. Kaya nga susubukan ko mag-concentrate ngayong may laptop na ako baka sakaling maka-experience din ako ng 17,000 dollars a year katulad ng nakilala kong blogger. Sayang nga hindi ko na ma-search yung blog nya.

Tapos gusto ko din maging freelance writer. Ang sarap siguro ng feeling na maging contributor sa isang online magazine. Parang wow! I’m so great! Hehe. Pero parang wala akong talent dun. Dapat kasi meron akong isang topic na alam na alam. Pangarap ko nga magkaron ng travel blog eh. Gusto ko kasing pumunta sa iba’t ibang lugar tapos isusulat ko yung mga naranasan ko, mga nakita ko, mga nakilala ko, mga kinain ko, etc. Gusto kong pumunta sa Tokyo, Sydney, Chicago, Manchester, Prague, Salzburg, Korea, at syempre sa Paris!

Yung mga kaibigan ko ng high school, niyaya akong mamundok. Kaso tamad ako at isa pa wrong timing masisira yung budget ko. Pero maganda din yun. Nature tripping. Gusto ko nga Boracay. Kapag nagkapera ako dadalhin ko sa Boracay ang pamilya ko. Pero ang pinaka pangarap ko talaga, makita yung mga bansang moderno. Ilang beses ko nga pinanood yung Rush Hour 3 nung bata pa ako tsaka last week inulit ko pa. Aliw na aliw kasi ako sa location, Paris. Ang ganda. Ang cute din ni Jackie Chan. Gusto ko yung accent nya kapag nag-i-english.

Ang totoo nyan hindi ko naman binili itong laptop na ito. Gadget loan lang ito sa office. Dati ayoko kumuha kasi ayokong mabawasan yung sahod ko. Nung December dapat kukuha na ako kaso nanghihinayang talaga ako sa pera. Parang naisip ko kasi sanay naman ako mag-rent. Tapos na-inspire ako sa mga online friends ko na freelance writer. Pangarap ko yun! Kapag binigay sa akin ni Lord yun magiging masaya talaga ako. Pero kung seryoso akong maging freelance writer, kelangan ko ng computer. Kaya ito meron na, english ko na lang ang problema. Need ko pa improve yung writing skills ko kung meron man.

Ah ano pa ba? Gusto ko din magkaron ng sariling business. Pangarap ko makapag-franchise ng Zagu. Magkano kaya yun? Siguro ang mahal nun. Naisip ko dapat magsimula ako ng maliit. Pero parang ayoko. Nung college ang taas ng grade ko sa Business Proposal, 1.25. Kaso iba naman sa totoong buhay, wala akong kapital. Yung business plan naman kasi na ginawa ko nun, assuming na meron akong 1 Million na budget, kaya hindi makatotohanan. Tsaka ayoko. Gusto ko franchise. Zagu! Zagu! Zagu! … Hay, sana makaipon ako ng malaki sa pagba-blog. Para yun na lang ang magiging kapital ko.

Pero alam mo ba? Naniniwala ako na ang tagumpay ng isang tao ay nasa kamay ng Diyos. Oo kailangan magsikap, magpursige, magtyaga, pero higit sa lahat, kailangan ng tiwala sa Kanya. Ang pananaw ko kasi sa buhay, lahat ng meron ako biyaya lang Niya. Hindi dahil magaling ako, hindi dahil nagsikap ako, basta lang sa palagay ko, gusto lang Niya talaga sa akin ibigay kaya nakuha ko. May nagsabi nga sa akin, wala daw sa personality ko ang mag-abroad. Masyado daw kasi akong mahiyain, hindi ko daw kakayanin ang diskriminasyon sa ibang bansa. Hindi na lang ako nagsalita, pero sa loob-loob ko, hindi rin, may tiwala ako. Sabi nga ni Queen Esther:

“You know what I like most about the story of David versus Golliath? … David won not because he fought well, but because he BELIEVED well”

Nakaka-inspire talaga yung linya na yun di ba? Naluha nga ako eh. Try mo kaya panoorin yung One Night with the King. Ako kasi yung tipo na walaaaaaaaaang ka-talent talent! Pero naniniwala ako na may maganda Siyang plano para sa akin. Kaya eto, masaya pa din ako in spite of everything.

Sa ngayon, wala pa akong pera para mag-travel. Hindi pa din ako freelance writer. Hindi ko pa afford mag-franchise ng Zagu. Wala pa akong opportunity para mag-abroad. Sa madaling sabi, puro plano pa lang ang lahat. Drawing pa lang. Malapit na akong mag-27. Syet. Sana naman bago ako mag-trenta makapag-franchise na ako ng Zagu. Pamahal kasi ng pamahal yun eh. Yung sa pagiging freelance writer naman kinakabahan ako, kulang pa ako sa english. Pero marami akong ideya! Tapos yung tungkol naman sa pagta-trabaho sa ibang bansa, hindi ko pa alam kung paano ko tutuparin yung pangarap na yun. Yung pamamasyal naman sa iba’t ibang lugar mahuhuli talaga yan kasi syempre dapat may kaperahan ako. Pero kahit 80 years old na ako tutuparin ka pa din mga pangarap ko.

So yun, plano pa lang lahat. Ang kapal nga ng mukha ko ikwento pa yung mga pangarap ko dito. Parang ang yabang ng dating. Ambisyosa dapat ang maging title ng blog na ito hindi Manila Street. Wala lang, gusto ko lang kasing isulat yung mga tumatakbo sa isip ko ngayon. Sabi kasi nila parang wala daw akong pangarap sa buhay. Sa nakikita kasi nila tumatanda ako na ganito lang. Samantalang yung mga ka-edad ko daw ang dami nang nagawa, madami nang narating. Kaya gusto ko lang sanang i-remind yung sarili ko na hindi totoo yung mga sinasabi nila. Meron akong pangarap. Meron akong plano. At higit sa lahat, meron akong laptop! Actually, yun talaga ang pinupunto ko dito eh. Meron na akong laptop! Yun yun eh! Ha ha ha.

Get-together namin …

Ayaw ko talaga pumunta, sa totoo lang. May kutob ako na mapapahiya na naman ako gaya ng dati. Pero asar talo talaga ako dito kay M. Basta na lang nag-text na aantayin niya ako sa SM Manila 10:30 AM nung nakaraang Sabado. Hindi ko naman akalain na sa Bulacan na pala ang tuloy namin. Sabi ko nga sa kanya “hoy wala akong dalang pera!” kaso sila na daw ang bahala kaya wala na din akong angal. Tsaka, gusto ko din naman silang makasama, na-missed ko nga sila eh.

Kauuwi lang ng isa sa mga kaibigan namin galing ibang bansa at nagyaya sila ng get-together para magkabalitaan daw. Ayos lang naman sa akin pumunta, wala naman akong tinatago at mas lalong wala akong dapat ikahiya. Bakit nga ba ayoko pumunta? Wala lang, tinatamad ako ipaliwanag ang buhay ko sa kanila. Palagi kasi akong “caught off -guard” sa mga tanong nila. Yun kasing mga gusto nilang solusyunan ko sa buhay ko, yun yung mga bagay na hindi ko pino-problema.

Gusto ko lang sila makasama pero ayoko sila maka-kwentuhan. Kaso kahit anong iwas ko na sa akin mapunta yung topic, hindi pwede. Ilang na ilang na nga ako eh. Alam mo ba yung pakiramdam na … hindi ko alam kung paano ipapaliwanag. Sa palagay ko sa buong mundo ako lang ang nag-iisang tao na nakakaranas ng ganito. O kung meron man, hindi niya iniinda dahil strong ang personality niya. Iba kasi ang ugali ko, mahirap maintindihan. Siguro nga nasa akin ang problema.

“bakit wala ka pa ding boyfriend? kelan ka pa mag-aasawa? baka tumanda ka na nang paurong nyan! mag-asawa ka na!”

Naiinis ako. Hindi naman siguro porke wala pa sa plano ko ang pag-aasawa, tumatanda na ako nang paurong. Sa palagay ko nga mas nag-mature pa yung personality ngayon. Dati sabi ko dapat pag 25 na ako meron na akong asawa at buntis na din ako. Ngayon, malapit na akong mag-27 napag-isip-isip ko na ang tanga ko pala. Hindi ganun ka-simple ang pag-aasawa. Marami pa akong personal na pangarap na gusto ko pang tuparin. Hindi ko sinasabi na tanga yung mga nag-asawa nang maaga, siguro kasi yun ang magpapasaya sa kanila.

Ako? Hindi ako magiging masaya kung mag-aasawa ako ngayon. Una, nung namatay si Daddy, ako ang tumayong bread winner sa pamilya. Mahigit apat na taon yun. Kaya ngayon pa lang ako halos nakakabili ng para sa sarili ko. Ngayon ko pa lang nae-enjoy ang buhay na walang iniisip. Parang napaka-unfair naman kung pagkatapos ko asikasuhin ang pamilya ko kukuha agad ako ng ibang aalagaan. Paano naman ako? Gusto ko muna pagbigyan ang sarili ko. Kahit boyfriend ayoko muna. Masama ba yun?

Pangalawa, eh sa wala pang dumarating. Anong magagawa ko? Kahit sino na lang basta magkaron? Ganon? Adik pala sila eh. Meron man dumarating, hindi ko naman gusto. Yung gusto ko hindi naman ako gusto. Ewan ko ba. Pero ayoko problemahin yun. Basta ganito lang muna ako. Masaya ako, bahala sila sa buhay nila. Kung naiinis sila dahil single ako, wala akong magagawa. Sinasabi nila, gusto lang nila akong maging masaya, pero ang dating sa akin, iniinis lang nila ako.

“bakit hindi ka pa umaalis sa trabaho mo? ang tagal mo na dyan ah! magkano sahod mo? yun lang after 5 years?! mag-resign ka na! marami pa ibang kumpanya. sayang lang ang panahon mo dyan. mag-abroad ka. kung wala kang pera, mag-agency ka para sagot nila pamasahe at tutuluyan mo. dapat nga yung mga ka-edad mo ang nag-a-abroad. baka naman after 10 years nandyan ka pa din ha!”

Nangingilid na yung luha ko sa mga sinabi nila. Sensitibo kasi yung topic na yan. Sino naman ang nagsabi na ayoko umalis sa current job ko? Gusto-gustong ko din naman mag-abroad katulad nila kaso wala akong pagkakataon. Sabi pa nila naiinis daw sila sa mga taong walang pangarap. Sinong nagsabing wala akong pangarap? Marami kaya akong pangarap! Hindi ko lang pinagkakalat dahil feeling ko kapag hindi ko natupad yung mga ambisyon ko, dobleng sakit kapag nalaman nila na failure ako. Pero hindi ko din pino-problema yang pag-a-abroad. Darating din yan, in His time. Naiiyak lang ako kasi ganun pala kaliit ang tingin nila sa akin.

Ang problema kasi sa akin masyado akong idealistic. Palagi ko na lang iniisip na darating din o kaya ibibigay din Niya kaya siguro tumatanda na lang ako nang walang nangyayari. Pero hindi rin. Marami din akong mga pagsisikap, hindi lang nila alam. Kung magsalita naman sila … Minsan nga nakakapagod na din. Parang hindi talaga para sa akin ang umasenso. Para kasing walang nangyayari kahit anong pagtityaga ang gawin ko. Pero ayoko naman mawalan ng pag-asa. Yun na lang ang meron ako eh.

Naisip ko lang, parang nakaka-guilty naman magsulat ng ganito tungkol sa mga kaibigan ko. Hindi naman sila masamang tao. At alam ko din na may katwiran sila. Kaya lang hindi ko maiwasang mainis. Parang ayoko muna silang makita. Siguro sasabihin ng makakabasa nito, ang sama ko pero sa palagay ko, ayoko na silang makita kahit kailan. Pwede siguro, kapag ok na ang lahat. Hindi dahil magiging mayabang na ako pag successful na’ko, ayoko lang na may masabi pa sila.