Ayaw ko talaga pumunta, sa totoo lang. May kutob ako na mapapahiya na naman ako gaya ng dati. Pero asar talo talaga ako dito kay M. Basta na lang nag-text na aantayin niya ako sa SM Manila 10:30 AM nung nakaraang Sabado. Hindi ko naman akalain na sa Bulacan na pala ang tuloy namin. Sabi ko nga sa kanya “hoy wala akong dalang pera!” kaso sila na daw ang bahala kaya wala na din akong angal. Tsaka, gusto ko din naman silang makasama, na-missed ko nga sila eh.
Kauuwi lang ng isa sa mga kaibigan namin galing ibang bansa at nagyaya sila ng get-together para magkabalitaan daw. Ayos lang naman sa akin pumunta, wala naman akong tinatago at mas lalong wala akong dapat ikahiya. Bakit nga ba ayoko pumunta? Wala lang, tinatamad ako ipaliwanag ang buhay ko sa kanila. Palagi kasi akong “caught off -guard” sa mga tanong nila. Yun kasing mga gusto nilang solusyunan ko sa buhay ko, yun yung mga bagay na hindi ko pino-problema.
Gusto ko lang sila makasama pero ayoko sila maka-kwentuhan. Kaso kahit anong iwas ko na sa akin mapunta yung topic, hindi pwede. Ilang na ilang na nga ako eh. Alam mo ba yung pakiramdam na … hindi ko alam kung paano ipapaliwanag. Sa palagay ko sa buong mundo ako lang ang nag-iisang tao na nakakaranas ng ganito. O kung meron man, hindi niya iniinda dahil strong ang personality niya. Iba kasi ang ugali ko, mahirap maintindihan. Siguro nga nasa akin ang problema.
“bakit wala ka pa ding boyfriend? kelan ka pa mag-aasawa? baka tumanda ka na nang paurong nyan! mag-asawa ka na!”
Naiinis ako. Hindi naman siguro porke wala pa sa plano ko ang pag-aasawa, tumatanda na ako nang paurong. Sa palagay ko nga mas nag-mature pa yung personality ngayon. Dati sabi ko dapat pag 25 na ako meron na akong asawa at buntis na din ako. Ngayon, malapit na akong mag-27 napag-isip-isip ko na ang tanga ko pala. Hindi ganun ka-simple ang pag-aasawa. Marami pa akong personal na pangarap na gusto ko pang tuparin. Hindi ko sinasabi na tanga yung mga nag-asawa nang maaga, siguro kasi yun ang magpapasaya sa kanila.
Ako? Hindi ako magiging masaya kung mag-aasawa ako ngayon. Una, nung namatay si Daddy, ako ang tumayong bread winner sa pamilya. Mahigit apat na taon yun. Kaya ngayon pa lang ako halos nakakabili ng para sa sarili ko. Ngayon ko pa lang nae-enjoy ang buhay na walang iniisip. Parang napaka-unfair naman kung pagkatapos ko asikasuhin ang pamilya ko kukuha agad ako ng ibang aalagaan. Paano naman ako? Gusto ko muna pagbigyan ang sarili ko. Kahit boyfriend ayoko muna. Masama ba yun?
Pangalawa, eh sa wala pang dumarating. Anong magagawa ko? Kahit sino na lang basta magkaron? Ganon? Adik pala sila eh. Meron man dumarating, hindi ko naman gusto. Yung gusto ko hindi naman ako gusto. Ewan ko ba. Pero ayoko problemahin yun. Basta ganito lang muna ako. Masaya ako, bahala sila sa buhay nila. Kung naiinis sila dahil single ako, wala akong magagawa. Sinasabi nila, gusto lang nila akong maging masaya, pero ang dating sa akin, iniinis lang nila ako.
“bakit hindi ka pa umaalis sa trabaho mo? ang tagal mo na dyan ah! magkano sahod mo? yun lang after 5 years?! mag-resign ka na! marami pa ibang kumpanya. sayang lang ang panahon mo dyan. mag-abroad ka. kung wala kang pera, mag-agency ka para sagot nila pamasahe at tutuluyan mo. dapat nga yung mga ka-edad mo ang nag-a-abroad. baka naman after 10 years nandyan ka pa din ha!”
Nangingilid na yung luha ko sa mga sinabi nila. Sensitibo kasi yung topic na yan. Sino naman ang nagsabi na ayoko umalis sa current job ko? Gusto-gustong ko din naman mag-abroad katulad nila kaso wala akong pagkakataon. Sabi pa nila naiinis daw sila sa mga taong walang pangarap. Sinong nagsabing wala akong pangarap? Marami kaya akong pangarap! Hindi ko lang pinagkakalat dahil feeling ko kapag hindi ko natupad yung mga ambisyon ko, dobleng sakit kapag nalaman nila na failure ako. Pero hindi ko din pino-problema yang pag-a-abroad. Darating din yan, in His time. Naiiyak lang ako kasi ganun pala kaliit ang tingin nila sa akin.
Ang problema kasi sa akin masyado akong idealistic. Palagi ko na lang iniisip na darating din o kaya ibibigay din Niya kaya siguro tumatanda na lang ako nang walang nangyayari. Pero hindi rin. Marami din akong mga pagsisikap, hindi lang nila alam. Kung magsalita naman sila … Minsan nga nakakapagod na din. Parang hindi talaga para sa akin ang umasenso. Para kasing walang nangyayari kahit anong pagtityaga ang gawin ko. Pero ayoko naman mawalan ng pag-asa. Yun na lang ang meron ako eh.
Naisip ko lang, parang nakaka-guilty naman magsulat ng ganito tungkol sa mga kaibigan ko. Hindi naman sila masamang tao. At alam ko din na may katwiran sila. Kaya lang hindi ko maiwasang mainis. Parang ayoko muna silang makita. Siguro sasabihin ng makakabasa nito, ang sama ko pero sa palagay ko, ayoko na silang makita kahit kailan. Pwede siguro, kapag ok na ang lahat. Hindi dahil magiging mayabang na ako pag successful na’ko, ayoko lang na may masabi pa sila.