Isang mala-undas na pagbati

Natatawa ako sa pamangkin ko kanina, ayaw akong patulugin. Baby pa siya pero parang nakakaintindi na sa mga nangyayari. Sabi nga nga mga kapitbahay namin “matalino talaga si Ashtin!” Gusto niya kasing makipaglaro sa akin kaya pinipilit idilat ng maliliit nyang daliri yung mga mata ko. Todo smile siya kapag naalimpungatan ako. Lahat nga ng pag-iingay ginawa niya para magising ako. Kaso pagod na pagod talaga ako …

Nyeta kasi itong night shift na toh. Kulang na kulang ako sa tulog. Napa-absent pa tuloy ako nung Friday tapos sa darating na Monday birthday leave naman. So, suma total, bakasyon grande ako ngayon hehehehe. Tuesday pa ng gabi ang pasok ko ulit. Pero siguradong patay ako pagpasok ko … ayos lang

Ganito kasi yun.  Thursday ng gabi, pumasok ako. Dapat uwi na ako ng 6AM ng Friday kaso lang magpapasa pa ako ng loan application ko para sa PAGIBIG dun sa HR namin. Wala akong pangregalo sa unang kaarawan ng pamangkin ko kaya desperate akong makapag-renew ng loan. Ang siste, di ko alam meaning ng siste, 8AM pa bukas ng HR so antay pa ako ng 2 hours. Buti na lang sinabihan akong mag-overtime ng boss ko. Kaso lng di pwede 2 hours, minimum 4 hours OT sa company namin. Kaya extend ako until 10AM.

Tapos ng OT, deretso naman ako sa HR para ipasa yung form. Kaso two weeks daw bago makuha yung check kung sila ang mag-aasikaso. Eh kung ako 3 days lang. Kaya sabi ko sige pa-sign na lang at ako na mismo ang maglalakad. Habang nasa shuttle, pinag-isipan ko pa kung sasakay na ako ng FX pauwi o LRT para deretso sa PAGIBIG branch. Pagod na talaga ako pero sayang ang araw.

Kaya ayun mga 11:30 na ako nakarating sa branch tapos pang number 98 pa ako sa pila. Mga 1:30 na ako natapos mag-file ng loan. Tapos nakauwi ako 3PM kasi traffic. Syempre nag-internet pa ako pag-uwi kaya bale mga 5PM na ako nakatulog. Ginising ako ng kapatid ko ng 8PM. Antok na antok ako. Hindi ako makatayo sa higaan. Kaya nung mga bandang 9PM na nag-text na ako sabi ko di ako papasok.

Hindi naman nag-reply. So malamang patay talaga ako sa Tuesday hehe. Ayos lng. Kapag yumaman ako sa odesk lalayasan ko agad sila bwahahahahahaha! Syet. Buti na lang Facebook ang kinahuhumalingan nila kaya walang chance na mabasa nila blog ko :) Bago pa nga ako umuwi after ng OT kinausap pa ako ng boss. Warning ulit ako sa tardiness. Hindi ko nga mapigilan matawa kasi last time warning tapos warning ulit. Sabi nga ng officemate ko “alam mo, ang tindi mo! natatawa ka pa jan!” Akala ko kasi suspension na HIHIHIHI. Impernes kahit pasaway ako ang bait talaga nila sa akin :) Dapat sa akin termination na eh hehehe.

Birthday ko nga pala ngayon. Kahapon yung handa. Lechon at pritong hipon. Walang bisita. Ayoko ng bisita. Tapos ngayon, pansit yata kasi pupunta high school friends ko. Pero ayoko din silang makita kaya after ko sulatin itong post na ito, te-text ko agad para inform na cancel na yung usapan. Ang kalat kasi ng bahay eh. Nakakahiya. Isa pa meron akong inaksep na contract sa odesk. Need ko magsulat today ng at least 8 articles about weddings. Nahihirapan na nga ako mag-ingles pero sayang yung 50 dollars. Isa pa, nag-apply ako ng Payoneer debit card. Pag na-approved yun, makukuha ko na yung pera ko sa Paypal. Gumawa din ako ng account sa Elance  at dun sa constant-content dot com. Wala lang trip ko lang.

Gusto ko sana mag-celebrate ng kaarawan sa hospicio, dun sa bahay ampunan. Kaso wala akong pera. Para kasing maganda mag-share ng blessings sa mga bata o kaya sa mga matatanda na walang nag-aaruga. Na-inspire kasi ako sa officemate ko na palaging nagpapakain sa street children tuwing birthday niya. Lugaw at tokwa lang. Ang sarap daw sa pakiramdam. Pero gusto ko pag ginawa ko yun marami akong pera nuh. Kaya nga eto, kaliwa’t kanan yung raket ko. Sumali pa ako sa savvy surveys. Sana lang hindi scam yun.

So, ganito pala ang feeling ng bente syete anyos na babae. Wala naman. Normal lang. Kung nung 26 ako gusto ko kumain ng pan de sal sa umaga, gusto ka pa din ngayon. Teka muna, bibili lang ako ha. Mahirap na baka, maubusan eh …

Dadaa! I’m back with my pan de sal! Busog na agad ako kasi sa daan pa lang pauwi galing bakery nilantakan ko na. kaya kung sakaling nasagasaan ako ng sasakyan, ganito ang magiging headline sa mga tabloids:

“isang bente syete anyos na dalaga, nasagasaan habang kumakain ng pan de sal. patay!”

Hahahaha ang panget! Isa pa ang morbid. Bertdey na bertdey ko eh …

Naisip ko tuloy, ano ba talaga ang ibig sabihin ng birthday na ito sa akin? ANSWER: Wala! Katulad lang ito ng undas na taon-taon dumadating. Naalala ko tuloy yung araw na namatay ang tatay ko. Dumating kami ng kapatid ko sa ospital ng mga bandang alas diyes ng umaga para dalawin siya. Laking tuwa ko dahil sabi ng aunty ko, uuwi na daw siya. Kaya naman naguluhan ako nang ihatid nila kami sa morgue. Naintindihan ko agad yung ibig sabihin ng ‘uuwi na’ pero parang ayaw mag-register sa utak ko. Ayoko maniwala. Sabi nga nila eh in denial stage. Pero nung inalis yung takip na puting kumot, umiyak na kami.

Habang lumilipas ang mga taon na dinadalaw namin ang puntod niya, napapansin ko na nalilimutan din namin yung pakiramdam nung araw na yun. Minsan nga sabi ko sa kapatid ko, parang wala naman jan sa ilalim ng lupa si Daddy noh? Parang wala naman talaga kaming binibisita kundi isang nitso na kupas ang pintura. Pero hindi namin maramdaman na andun talaga siya. Kasi siguro katawang lupa lang naman iyon. Ewan ko. Pero yung best friend ko na namawalan na din ng magulang ay parehas kami ng naramdaman.

Parang ganun lang din ang birthday ko. Habang tumatanda ako, nalilimutan ko na ang tungkol sa mga birthday wishes etc. Parang nagiging pangkaraniwang araw na lang. Gusto ko sanang maging masaya sa araw na ito. kaso lang hindi ko alam kung paano. Ang ideya ko kasi ng “fun” ay mag-internet maghapon. O kaya matulog. Birthday wish ko? Sana makakuha ako ng magandang offer sa odesk …

Abakada sabado – Ka

Katatakutan.

Wala akong personal na karanasan tungkol sa mga multo, aswang, maligno, engkanto, etc. Mabuti na lang dahil takot talaga ako. Pero meron akong alam na kwento na sa palagay ko ay magandang ibahagi. Iba’t iba ang naramdaman ko nung sinabi sa akin ng estranghera ang buhay niya. Nakakalungkot, nakakatakot, nakakaiyak at higit sa lahat ay very inspiring. Hindi ko nga akalain na sa kabila ng masayahin niyang personality ay meron pala siyang mapait na karanasan. Sa palagay ko, hindi ko kakayanin kung ako ang nalagay sa ganoong sitwasyon. Maloloka talaga ako.

Babala: mahaba-haba ang post na ito. Boring pa naman ako magkwento. Kung ako sa iyo, huwag mo nang ituloy basahin. Pero kung mapilit ka … eh … ngayon pa lang magsisi ka na! HAHAHAHA!

Sa San Lazaro Hospital ko siya nakilala. Nagka-tigdas kasi ang pamangkin ko noong Pebrero at na-admit ng apat na araw sa pediatric department. Sobrang down ako nung mga panahon na iyon. AWOL ako sa trabaho, wala kaming pera, tapos dagdag pasakit pa yung mga empleyado ng ospital na nuknukan ng sungit. At higit sa lahat ayoko kasi na nakikita na may sakit ang mga mahal ko sa buhay. Parang nadudurog ang puso ko.

Meron ding tigdas ang baby niya. Nagtataka nga ako sa kanya dahil kahit sinusugitan kami ng mga hari at reyna sa ospital, parang bale wala lang sa kanya. Palagi siyang nakangiti at panay ang kwento. Ka-share namin siya sa kama. Sa public hospital kasi, dalawang pasyente sa bawat kama. Ewan ko ba ba’t pinagdadamot nila yung mga bakanteng kama. Pero ang paliwanag nila eh para in case daw na may dumating na bagong pasyente, ready na. Kawawa tuloy ang mga babies.

Hindi ako yung tipong friendly. Nakakailang ang katahimikan ko kapag nakilala mo ako sa personal. Kaya kataka-taka na panay ang kausap niya sa akin. Siguro dahil siksikan kami sa isang kama kaya no choice siya kung hindi kausapin ako. Ewan ko sa kanya. Nalimutan ko na nga ang pangalan niya. Ang natatandaan ko lang, palagi niya akong inaalok kumain at marami siyang kwento na tinatanguan ko lang. Hindi talaga ako nakikinig, magulo kasi isip ko noong mga araw na iyon.

Pero nakuha din niya ang atensyon ko noong ika-tatlong araw namin sa ward. Ang sabi niya, nami-miss na daw niya ang kapatid niya. Napag-alaman ko na dalawa lang silang magkapatid kaya sobrang malapit sila sa isa’t isa. Lumaki sila na palaging magkasama. Magkabarkada nga daw. Kaya lang noong nagdalaga siya, napagpasyahan niya na lumuwas ng Maynila habang naiwan naman sa probinsiya ang nakababata niyang kapatid. Simula noon, makalipas ang mahigit sampung taon, hindi na sila ulit nagkita. Wala ding sulat, kahit tawag.

Nakapag-asawa at nagkaanak siya dito sa Maynila. Typical na kwento. Mahirap ang buhay. Sabi nga, isang kahig isang tuka. Gustuhin man nyang bisitahin ang pamilya niya sa probinsiya, wala siyang pamasahe. Ang malungkot pa, wala namang cellphone ang kapatid niya sa Bicol kaya paano niya kokontakin? Sabi ko na lang tuloy sa kanya, kapag nagkapera ka, umuwi ka sa inyo. Isama mo ang baby mo, para makilala naman siya ng uncle niya. Pero hindi na pala mangyayari yun. Sa pagpapatuloy ng kwento niya …

Isang araw, nabalitaan niya na namatay sa aksidente ang kapatid niya. Na mahigit sampung taon niyang hindi nakita at hindi nakausap. Iyak siya nang iyak. Gustong-gusto niya na umuwi sa kanila para makapunta sa libing. Ang problema, wala siyang pamasahe at wala ring mautangan. Nagtitinda lang daw sila ng uling kaya wala din siyang ipon. Sabi niya, hindi talaga siya nakapunta. Ipinagpasa-Diyos na lang daw niya ang lahat. Pero binabagabag siya ng konsensiya niya dahil alam niya na namatay ang kapatid niya na may sama ng loob sa kanya.

Isang linggo matapos ang libing, meron siyang naranasan na nakakatakot pero nakapagpabago sa pananaw ko sa buhay. Panaginip lang daw ang lahat pero sa pakiwari niya ay parang totoong nangyari. Sa panaginip niya, natutulog daw silang mag-ina sa bahay. Ewan niya kung ba’t wala ang asawa niya, pero dalawa lang daw sila ng anak niya. Hindi daw siya mapakali.

Waaah! ba’t ba alas-tres ko pa ng madaling araw naisipan isulat ito??? natatakot na ako!!!

Sa umpisa, meron daw sumisilip sa bintana. Hindi niya makilala kung sino dahil gabi at parang anino lang. Tinanong niya kung sino pero hindi sumasagot. Panay lang ang silip. Nagalit na siya dahil sa pakiramdam niya kailangan niyang protektahan ang anak niya. May kutob siya na gustong lapitan ng estranghero ang baby niya. Minura niya at sinabihan na umalis na. Pero panay pa din ang silip sa bintana. Sinisilip ang anak niya. Nagalit na talaga siya. Lumabas siya sa pinto at pinagmumura niya.

Paglabas niya sa pinto may nakita siyang lalaki na ang sama nang tingin sa kanya. Nakasimangot at galit na galit sa kanya. Noong una, hindi niya mamukhaan kung sino. Madilim daw at parang anino lang ang lalaki. Pamilyar ang damit at tsinelas. Pero nagtataka daw siya ba’t nagagalit sa kanya yung mama. Tinitigan niya nang husto at sa wakas ay nakilala din nya ang kapatid niya. Ang nag-iisa niyang kapatid na mahigit sampung taon niyang hindi nakita at nakausap.

Noon siya nagsimulang umiyak at nagpaliwanag kung bakit hindi siya nakapunta sa libing. Humingi daw siya ng tawad. Maya-maya pa ay umaliwalas na ang mukha ng kapatid niya. Nakangiti na daw sa kanya. Pagkatapos noon, ang natatandaan na lang niya ay nilalaro na nila ang baby niya. Ang saya daw nila katulad noong mga bata pa sila. Parang totoong-totoo daw ang panaginip niya. Nilalaro nila ang baby niya at nagtatawanan sila. Makalipas ang ilang minuto, nagpaalam na daw ang kapatid niya. Nakangiti at masaya.

Tulo-sipon pa ako sa kaiiyak noong kinu-kwento niya ito. Oo, nakakatakot, pero punong-puno ng pag-asa. Ang sabi pa nga niya sa akin “Marunong ang Diyos. Yung kapatid ko nga patay na eh, pero gumawa Siya ng paraan para magkaayos kami. Walang imposible sa Kanya. Kaya huwag ka na masyadong isip nang isip. Smile!” Noong sinabi ko naman ito sa kaibigan ko na iba yung religion sabi niya demonyo daw yun, hindi yun ang kapatid niya. Panira talaga yun. Basta ako naniniwala ako sa estranghera. Sana kung nasaan man siya ngayon, mabuti ang kalagayan niya at ng buong pamilya niya.

Sorry kung parang mangangaral ako. Sarili ko kausap ko, hindi ikaw! Hehe :) Pero kung gusto mo, makinig ka na din sa akin …

Mga katatakutan, marami ako nyan sa katawan. Marami akong alalahanin. Never naman Siyang nagkulang, palaging sapat. Hindi ko nga maintindihan kung bakit naghahangad ako ng mas higit pa. Sa isang banda, nauunawaan ko din yung sarili ko eh. Sa edad ko kasi na ito dapat stable na ako. Pero bobo lang ang magsasabi na “stable” na siya. Walang stability sa buhay na ito. Sa isang iglap pwede Niyang bawiin ang lahat.

Ang problema kasi, palagi ko nalilimutan na hindi Niya ako pinababayaan. Madali akong mawalan ng pag-asa. Madali akong malungkot. Madali akong maapektuhan sa mga walang kwentang bagay. Alam ko naman na marami Siyang magandang plano para sa akin. Sabi nga ng best friend ko “mag-antay ka lang kasi yung regalo para sa iyo, binabalot Niya pa. Sa sobrang ganda, hindi pa tapos until now.” Naniniwala naman ako. Pero yung nga, attitude ako eh. Hindi ako makapag-antay.

Gusto ko sana palitan ang katatakutan ng kapanatagan. Pero bakit parang ang hirap? Kung iisipin ko nga, mas malungkot ang mga naranasan ng estranghera kaysa sa akin. Pero bakit kaya niyang harapin ang buhay na hindi nag-aalala? Bakit ako mag-aalala kung ito lang ang meron ako? Ito ba ang tinatawag na mid-life crisis?